Ika-8 ng Setyembre 2022, ipinagdiwang ang ika-72 anibersaryo ng Diyosesis ng Lucena sa Katedral ni San Fernando sa Lucena City Quezon sa pangunguna ni Lub. Kgg. Gilbert A. Garcera, D.D., Arsobispo ng Arsidiocesis ng Lipa.
Alas-9 ng umaga sinimulan ang misa para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Lucena at kaarawan ng Mahal na Birheng Maria.
Sa pag-uumpisa ng Homiliya, nagpaabot ang arsobispo ng pasasalamat kay Lub. Kgg. Mel Rey M. Uy, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Lucena, para sa mainit na pagtanggap sa kanilang parokya. Nakiisa rin sa pagdiriwang ang dating Obispo ng Diyosesis ng Lucena, Lub. Kgg. Emilio Z. Marquez, D.D..
“Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria. Ngunit ang banal na pagtitipon natin sa umagang ito, ay hindi lamang birthday ng Ina ng Panginoong Hesus, [at Ina nating lahat]. May isang katotohanan na napakalinas sa ating pagninilay sa araw na ito. Ang pagsilang sa Mahal na Birheng Maria ay hudyat at isang patotoo na kasama natin ang Diyos. ‘Yan ang mabuting balita sa araw na ito ayon sa ebanghelyo–kasama natin ang Diyos,” ani ni Lub. Kgg. Gilbert A. Garcera, D.D.
Ginunita rin ng Arsobispo ang pagtatag ng Diyosesis ng Lucena at paghiwalay nito sa Diyosesis ng Lipa noong taong 1950. Matapos ang misa ay binuksan ni Lub. Kgg. Mel Rey M. Uy, D.D. ang Taon ng Bibliya at Katekesis bilang paghahanda ng pagdiriwang ng anibersaryo.
Ang pagpapaliwanag naman ng logo para sa pagdiriwang ng Taon ng Bibliya at Katekesis ay pinamunuan ni Reb. Pad. Alfonso Marcelino Peña II.