Pilot testing ng off site payout system ng DSWD, isinagawa

Photo Credit from Manila Bullettin

Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, ika-3 ng Setyembre 2022, ang pilot testing ng offsite payout ng cash aid para sa mga mag-aaral ng Southern Luzon na hindi makapagparehistro sa online agency’s educational assistance program.

 

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsagawa ang DSWD ng offsite payout mula noong nagsimula ang pamimigay ng educational assistance noong August 20, 2022.

 

Ang offsite payout ay isinagawa para sa mga indigent student na walang access sa internet at gadget. Paliwanag ni Assistant Secretary Romel Lopez, tagapagsalita ng DSWD, ilan sa mga Field Offices ng MIMAROPA (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang nakapag-pilot testing nito.

 

Bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P1,000 para sa elementarya, P2,000 para sa high school, P3,000 para sa senior high school, at P4,000 para sa kolehiyo/vocational school. Batay sa inisyal na datos ng DSWD, ang offsite payout sites ay matatagpuan sa mga sumusunod na lugar: San Jose, Romblon (400 target na benepisyaryo); Araceli, Palawan (700 target beneficiaries); Dumaran, Palawan (554 target beneficiaries); Tanay, Rizal (mas mababa sa 200 target na benepisyaryo); Barangay Cuyamba (100 percent Dumagat tribe beneficiaries); Barangay San Andres (100 percent Dumagat tribe beneficiaries); at Barangay Daraitan (walang tiyak na bilang ng mga benepisyaryo).

 

Tuwing Sabado gaganapin ng DWSD ang payouts at magtatagal ito hanggang ika-24 ng Setyembre.

 

                                                                                                                                                                                                -Anne Margarette Subagan